SOJ Guevarra: Paghihigpit sa mga unvaccinated, may legal na batayan at ‘di na kailangang isabatas
Nilinaw ng DOJ na hindi na kailangan na isabatas ang mga polisiya na ipinapatupad ng gobyerno ukol sa paghihigpit sa galaw at pagsakay sa pampublikong sasakyan ng mga hindi bakunadong indibiduwal.
Ito ay sa harap pa rin ng pagkuwestiyon sa ipinapatupad na ‘no vaccination, no ride’ na polisiya ng Department of Transportation (DOTr).
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na ang kapangyarihan ng DOTr ay alinsunod sa administrative code o EO 292 at RA 11332 mandatory reporting of notifiable diseases bilang IATF member.
Ayon pa sa kalihim, ang mga nasabing hakbangin ay pansamantala lamang o habang nasa ilalim ng Alert Level 3 at limitado sa NCR kung saan mataas ang vaccination rate.
Dahil dito, sapat na aniya ang mga lokal na ordinansa sa mga lungsod sa Metro Manila na naglilimita sa galaw ng mga unvaccinated habang Alert Level 3.
Iginiit pa ni Guevarra na bagamat para sa lahat ang common carriers, sa ilalim ng mga umiiral na batas ay tungkulin ng mga operators nito na ligtas na maihatid sa destinasyon ang mga pasahero.
Hindi lamang aniya ito nangangahulugan na ligtas mula sa aksidente kundi maging sa mga nakakahawahang sakit.
Binigyang-diin muli ni Guevarra na walang diskriminasyon sa ‘no vax, no ride’ policy dahil hindi absolute ang pagbabawal sa mga hindi bakunado na sumakay sa public transportation.
Moira Encina