SC nagisyu ng TRO laban sa pagdeklara na nuisance candidate at pagkansela sa COC ng isang senatorial aspirant
Kinatigan ng Korte Suprema ang hirit na TRO ng isang senatorial aspirant laban sa pagkansela ng COMELEC sa kanyang certificate of candidacy at pagdeklara sa kanya bilang nuisance candidate.
Sa dalawang-pahinang resolusyon ng Supreme Court En Banc, pinigil nito ang mga nasabing kautusan ng poll body laban sa pagtakbo bilang senador sa May 2022 Elections ng petitioner na si Norman Cordero Marquez.
Ito ay matapos makitaan ng SC ng sapat na porma at substansya ang petisyon ni Marquez na kumukuwestiyon sa pagdeklarang nuisance candidate at pagbasura sa CoC nito.
Inatasan din ng Korte Suprema ang COMELEC na magkomento sa petisyon ni Marquez sa loob ng 10 araw.
Moira Encina