NTC tinutulan ang panawagan ni Sen. De Lima sa Kongreso na ipasa ang mga hold over franchise bills
Nagpahayag ng suporta ang National Telecommunication Commission (NTC) sa pagtutol ng Office of the Solicitor General (OSG) sa panawagan ni Senador Leila de Lima para sa pagpapasa ng dalawang panukalang batas na magiging daan umano sa muling pagbuhay ng prangkisa ng ABS-CBN.
Una rito umapila si de Lima sa Kongreso para sa pagpapasa ng nasabing panukala para sa hold over franchise.
Layon nitong maiwasan ang pagkakaroon ng expiration ng mga prangkisa habang nakabinbin ang kanilang aplikasyon para sa renewal.
Giit ni Commissioner Gamaliel Cordoba, labag ang mga ito sa Saligang Batas.
Sa position paper ng NTC sa pamamagitan ng OSG, nakasaad na binabalewala umano ng Senate Bill 1530 at House Bill 7923 ang legislative nature at origin ng prangkisa.
Sa nasabing position paper, sinabi ni Solicitor General Jose Calida na kung ipatutupad ang sistema para sa “hold over franchise” lalabagin nito ang batas.
Bukas rin umano ito sa pang aabuso dahil puwede itong maging daan para makapagpatuloy ng operasyon ang isang broadcasting entity na magpatuloy ng operasyon kahit expired na ang prangkisa nito.
Pinuna rin ng OSG ang mga nasabing panukala na inihain umano sa magkaparehong petsa at halos naglalaman ng identical wordings.
Madelyn Moratillo