Limang suspek sa BDO hacking, arestado ng NBI
Nahuli na ng NBI ang limang suspek na nasa likod ng hacking ng bank accounts ng ilang BDO customers noong Disyembre ng nakaraang taon.
Kasama sa mga inaresto ay ang dalawang Nigerians na kinilala na sina Ifesinachi Fountain Anaekwe alyas Daddy Champ at Chukwuemeka Peter Nwadi.
Arestado din ng NBI ang mga Pilipinong suspek na sina Jherom Anthony Taupa, Ronelyn Panaligan at Clay Revillosa.
Ayon sa NBI, ang lima ay kabilang sa “Mark Nagoyo Heist Group” na responsable sa BDO hacking na nakaapekto sa nasa 700 depositors.
Base sa email confirmations, ang illegal transfers ay ginawa ng isang Mark D. Nagoyo.
Ang mga Nigerians ay nadakip na akto na nagaalok ng accounts for sale sa entrapment operation sa Mabalacat, Pampanga.
Ikinasa ang operasyon matapos ang tip mula sa informant na humarap sa NBI Cybercrime Division ukol sa ilang indibiduwal na pinaniniwalaang lider at miyembro ng Mark Nagoyo Group.
Ayon sa impormante, ang mga suspek ay nasa business ng pagbibigay ng access devices para sa iligal na cashout ng mga pondo mula sa mga bank accounts, crypto wallets, at maging sa point-of-sale terminals ng legitimate merchants.
Ang suspek na si Taupa ay nadakip naman
sa buy-bust sa Floridablanca, Pampanga dahil sa pagbebenta ng “scampage” o phishing website.
Timbog naman sa hiwalay na operasyon sina Ronelyn Panaligan at Clay S. Revillosa na sangkot sa hacking bilang web developer at downloader.
Ang mga Nigerians ay sinampahan na ng reklamong paglabag sa Access Devices Regulation Act of 1998 habang si Taupa ay kinasuhan ng paglabag sa Cybercrime law sa DOJ.
Moira Encina