IBP pinarerebyu sa gobyerno ang mga polisiya vs ‘di bakunado
Nanawagan ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa gobyerno na rebyuhin ang mga polisiya ng parehong nasyonal at lokal na pamahalaan sa mga hindi bakunadong indibiduwal.
Partikular na tinutukoy ng IBP ang ‘no vaccine, no ride policy’ ng Department of Transportation (DOTr) at ang ‘no vaccine-stay home policy’ ng ilang LGUs.
Ayon sa IBP, bagamat may mga exceptions sa mga polisiya gaya ng religious belief, medical condition, trabaho at pagbili ng essentials good at services, hindi ito sapat para matugunan ang mga kuwestiyong legal laban sa mga panuntunan.
Sinabi ng grupo na suportado nito ang COVID-19 vaccination drive ng pamahalaan.
Pero, tila anila tinatrato ang mga unvaccinated sa paraang labag sa kanilang karapatan sa ilalim ng Saligang Batas.
Paliwanag ng IBP, ang ‘no vax, no ride’ at stay home na mga polisiya sa mga unvaccinated ay naglilimita sa right to travel o movement ng mga ito.
Ipinunto pa ng lawyers’ group na walang malinaw na batas na pinagbasehan para ilimita ang galaw at magbigay kapangyarihan sa DOTr na higpitan ang movement ng mga ‘di bakunado.
Moira Encina