DOJ kinasuhan na sa korte ang apat sa limang suspek sa BDO hacking
Inirekomenda ng DOJ na sampahan ng mga kaso sa korte ang apat sa limang suspek na naaresto ng NBI kaugnay sa hacking ng ilang BDO accounts noong nakaraang Disyembre.
Partikular na sinampahan ng kaso sa korte ang Nigerian national na si Ifesinachi Fountain Anaekwe alyas Daddy Champ at ang mga Pilipino na sina Jherom Anthony Taupa, Ronelyn Panaligan alyas Luka Hanabi, at Clay Revillosa alyas X-men.
Ang apat ay kinasuhan ng mga paglabag sa RA 8484 o Access Devices Regulation law at RA 10175 o Cybercrime Prevention law.
Ang reklamo naman laban sa ikalimang suspek na Nigerian na si Chukwuemeka Peter Nwadi ay inirekomenda na isailalim pa sa karagdagang imbestigasyon.
Sinabi ng DOJ na maliban sa presensya nito sa entrapment operation ay walang ibang ebidensya sa partisipasyon nito sa trafficking ng access devices.
Ayon sa DOJ, kinakailangan ng mga karagdagang ebidensya para mabatid kung may probable cause na kasuhan ito sa hukuman.
Kaugnay nito, iniutos ng prosekusyon na palayain si Nwadi.
Pero, maghahain ang DOJ ng mosyon sa precautionary hold departure order laban kay Nwadi.
Batay sa NBI- Cybercrime Division, ang gampanin ng lima ay compartmentalized para maiwasan na ma-trace ang illegal transfers sa partikular na tao o sindikato.
Vital din anila ang bawat partisipasyon ng mga sangkot dahil kung wala ito ay imposible ang illegal transfers o illegal access ng online accounts.
Sinabi ng DOJ na napatunayan na ang Nigerian na si alyas Daddy Champ ang direktang nakikipagtransaksyon para sa pagbenta ng tinatawag na dropping accounts.
Si Taupa naman ay umaming nag-develop ng GCash scampage o phishing website na imitasyon ng webpage ng nasabing e-money issuer para makakuha ng login details, usernames at passwords ng mga biktima.
Isa namang verifier at seller ng mga dummy accounts si Panaligan na ibinibenta sa mga hackers ang mga nakuha nitong impormasyon ng mga biktima.
Umamin din ang isa pang akusado na si Revillosa na nagbebenta ng 800,000 mailing list na naglalaman ng login credentials ng online banking accounts.
Moira Encina