NBI iimbestigahan ang sinasabing phishing sa Landbank accounts ng ilang guro
Pormal nang nag-isyu ng department order si Justice Secretary Menardo Guevarra para imbestigahan ng NBI ang sinasabing pagkawala ng pera ng ilang guro sa kanilang Landbank accounts sa pamamagitan ng phishing schemes.
Sa kautusan ni Guevarra, inatasan nito ang NBI na siyasatin at magsagawa ng case build-up sa mga tao na nasa likod ng insidente.
Kung may makalap na sapat na ebidensya, pinasasampahan ng kaukulang reklamo sa NBI ang mga cybercriminal na nagnakaw ng pera sa mga accounts ng mga guro.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Landbank, nakompromiso ang personal na impormasyon ng mga guro sa pamamagitan ng phishing kung saan nagpanggap na kinatawan ng bangko ang mga hackers para mapasok ang accounts ng mga biktima at mailipat ang pera nito sa ibang bangko o mobile wallets.
Una nang sinabi ni Guevarra na iniimbestigahan na nang malawakan ng NBI ang lahat ng insidente ng phishing ng bank accounts sa bansa.
Moira Encina