Pagkawala ng pera sa Bangko ng mga government employees,Pinaiimbestigahan
Ilang empleado ng Senado ang nabiktima ng cyber theft incident o pagkawala ng pera sa kanilang accounts online.
Ayon sa ilang staff ng Senador na ayaw nang magpabanggit ng pangalan, naglipat sila ng pera sa Gcash sa pamamagitan ng online banking ng Landbank.
Nag lag daw ang system at walang pumasok sa kanilang apps pero nabawasan ang kanilang pera sa bangko.
Naghain na ng resolusyon si Senador Richard Gordon para paimbestigahan ang isyu.
Sa Senate Resolution 987 sinabi ng Senador na nakakabahala ang tumataas na kaso ng pagnanakaw online.
Pinagpapaliwanag nito ang Bangko Sentral ng Pilipinas kung ano na ang ginagawang hakbang.
Kailangan aniyang alamin kung kailangang amyendahan ang mga umiiral na cybersecurity law para protektahan ang publiko.
Nakakabahala aniya dahil pati payroll ng mga empleado ng gobyerno tinatarget na rin.
Nauna nang inireklamo ng Teachers Dignity Coalition ang unauthorized transactions sa kanilang Landbank account kung saan mahigit 20 miyembro ang nabiktima at nawala ang 160 hanggang 200 thousand pesos.
Meanne Corvera