2,000 doses ng bakuna, inilaan para sa pilot implementation ng 5-11 age group vaccination sa Maynila
Bahagyang nagkaroon ng kalituhan sa oras ng pagsisimula ng pagbabakuna sa mga batang nasa edad 5-11 sa Lungsod ng Maynila.
Madaling-araw pa lamang kanina ay mahaba na ang pila sa Bagong Ospital ng Maynila na isa sa nagsisilbing vaccination site.
Pero pasado alas-9:00 na ng umaga ay hindi pa nasisimulan ang bakunahan.
Batay kasi sa unang facebook post ng Manila LGU ay gagawin ang bakunahan alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon ngunit binago at ginawang ala-1:00 ng hapon ang simula ng pagbabakuna.
Drive-thru ang set-up ng pagamutan sa bakunahan.
Ganito rin ang naging senaryo sa Manila Zoo na isa pa sa vaccination site para sa mga bata.
Ala-1:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi naman idaraos ngayong araw ang bakunahan para sa nasabing age group.
Tig-1,000 bakuna ang inilaan ng Manila Government sa bawat vaccination site.
Paalala ng Manila LGU, bawal ang walk-in at dapat magparehistro muna sa www.manilazoo.ph para sa ticket.
Sa datos ng Manila LGU, nasa higit 19,000 mga bata ang nagpapre-register na.
Maliban naman sa mga mas nakababatang edad, tuluy-tuloy rin ang bakunahan sa Maynila para sa 12-17 anyos.
Madz Villar Moratillo