Pangulong Duterte , nag-impake na ng gamit at handa ng umalis sa Malakanyang
Ngayon ay pinaghahandaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang paglisan sa poder ng kapangyarihan bilang Presidente ng bansa.
Sa kanyang regular weekly Talk to the People sinabi ng Pangulo na inumpisahan na niyang mag-impake ng kanyang mga gamit apat na buwan bago matapos ang kanyang termino sa June 30.
Ayon sa Pangulo, nakaplano na ang kanyang pagreretiro sa politika at ipinauubaya na niya sa Diyos kung ano ang kanyang magiging kapalaran pagkatapos na magsilbi sa bayan bilang Presidente.
Inihayag ng Pangulo na bago matapos ang kanyang termino ay haharap siya sa taongbayan para magpasalamat sa pagkakataon na ibinigay sa kanya na manilbihan bilang Chief Executive.
Naniniwala ang Pangulo na ginawa niya ang nararapat para pagsilbihan ang sambayanan katulong ang kanyang mga gabinete at hinihintay na lamang niya na i-turn over ang poder ng kapangyarihan sa mananalong bagong Presidente.
Vic Somintac