Malakanyang umapela sa mga kumakandidato sa halalan sa Mayo na mahigpit na sundin ang COMELEC guidelines sa pangangampanya
Ngayong opisyal ng nagsimula ang pangangampanya para sa halalan sa Mayo may panawagan ang Malakanyang sa mga kumakandidato.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Karlo Alexi Nograles na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagpahayag na nais niyang maging maayos ang pangangampanya ng mga kandidato alinsunod sa guidelines ng Commission on Elections o COMELEC.
Ayon kay Nograles mahalagang masunod ang guidelines ng COMELEC sa buong campaign period para sa kaligtasan ng lahat dahil kasalukuyan pang dumadaan ang bansa sa pandemya ng COVID-19.
Inihayag ni Nograles kabilang sa guidelines ng COMELEC sa pangangampanya ay ang kabawalan na pumasok ang mga kandidato sa bahay ng mga botante, bawal din ang makipagkamay, mag- selfie, mamigay ng pagkain sa mga political activities at panatilihing sundin ang minimum venue capacity sa mga political rally batay sa umiiral na alert level.
Vic Somintac