Celebrities, pinaalalahanan ng Comelec sa pangangampanya
Ipinaalala ng Commission on Elections o (COMELEC) sa mga artista at iba pang celebrities, na hindi maaaring gamitin ang mga programa o iba pang plataporma para ikampanya ang mga pinapaboran nilang kandidato.
Sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez, na posibleng maikonsidera na “donated advertising time” ang kanilang pag-endorso na ikakaltas naman sa oras ng kanilang kandidato.
Bukod sa mga programa sa telebisyon o radyo, sakop rin nito ang social media platforms tulad ng YouTube, Tiktok, Facebook at iba pa.
Nasa batas rin na ang mga celebrity na tumatakbo sa halalan ay kailangang mag-leave muna sa kanilang mga programa sa panahon ng kampanya.
Paliwanag ni Jimenez . . . “Under election laws, candidates who have programs should take a leave from their programs. We do not refer to endorsers but again it’s good practice siguro to not use their platforms to campaign because magiging issue ‘yan in terms of using these platforms for campaign purposes. Magiging considered ‘yan na donated advertising time eh, so magiging issue ‘yan.”
Dagdag pa niya . . . “So referring to candidates, in the first place, for them to take a leave, but for endorsers to maybe not use their programs or platforms to campaign for candidates because that might be considered donated air time.”
May libre naman aniyang ‘live streaming’ ang Comelec para sa ‘online political rallies’ ng mga kandidato.
Ito ay sa pamamagitan ng kanilang Campaign S.A.F.E. Comelec e-Rally Channel sa Facebook, na naglalaan ng online airtime para sa mga kandidato sa pagka pangulo, pangalawang pangulo, senador, at partylist groups, mula tatlo hanggang 10 minuto.