Koalisyon ng mga magsasaka, nanawagan na ibasura ang Rice Tarrification law
Sa ikatlong anibersaryo ng pagsasabatas sa Rice Tarrification law, nagsama-sama ang ilang grupo ng mga magsasaka para ipanawagan ang pagpapawalang-bisa ng Rice Tarrification Law.
Sa online launching ng Koalisyon Kontra Rice Tarrification Law, iginiit ng mga farmers’ groups na “delubyo” at pahirap sa mga magbubukid at kanilang pamilya ang RTL.
Ayon sa koalisyon, nabigo ang batas sa layunin nito na mapagbuti ang kalagayan ng mga magsasaka.
Pasakit anila sa mga farmers ang RTL dahil sa hindi na halos sila makabili ng abono dahil sa sobrang mahal pero ang presyo ng palay ay sobrang baba naman ng bentahan
Nais din ng mga magsasaka na mabigyan ng pansin ang isyu ng RTL at agrikultura sa darating na local at national elections sa Mayo.
Hinamon din ng koalisyon ang mga kandidato na ihayag ang kanilang posisyon sa RTL.
Kung may nakinabang din man anila sa batas ito ay ang mga malalaking kapitalista, trader, at importer.
Anila sakit sa ulo at lalong paghihirap sa kanila ang idinulot ng RTL na kabaligtaran sa sinasabing layon nito
Maging si dating Agriculture Undersecretary Dante Delima ay umapela na i-repeal ang RTL.
Aniya hindi makatao at walang social justice sa RTL kaya marapat lang ito na ibasura.
Isa naman sa pangmatagalang solusyon na iminungkahi ng grupo ay ang pagdagdag sa pondo ng Department of Agriculture.
Binigyang-diin ng koalisyon na mahalagang matutukan ang agrikultura para maging self-sufficient ang bansa.
Moira Encina