Pag-amyenda ng political provisions sa saligang batas, isusulong ni Isko Moreno
Sakaling palarin sa May 9 elections, isa sa isusulong umano ni Presidential candidate at Manila mayor Isko Moreno ang pag-amyenda sa political provisions sa saligang batas.
Partikular na aniya rito ang gawing regional ang representasyon ng mga Senador.
Bawat isang rehiyon aniya, may dalawang Senador na ihahalal para sa mataas na kapulungan ng Kongreso.
Nais din niya na magkaroon ng dalawang party system nalang sa Pilipinas gaya sa Estados Unidos at ang sinumang manalong Presidente, awtomatikong panalo na rin ang kanyang bise presidente.
Giit ni Moreno, dapat magkakampi ang presidente at bise presidente at maiwasan ang intrigahan para tunay na makinabang ang taong bayan.
Nais din niya na maamyendahan ang partylist system sa bansa at magkaroon ng safeguards para masigurong ang mga nasa partylist ay tunay na kinatawan ng under represented sectors.
Kung papalarin sa pwesto, sinabi ni Moreno na palalakasin rin niya ang Philippine Health Insurance Corporation sa pamamagitan ng paglalagay ng mamumuno na magaling sa pagpapalago ng pera ng mga miyembro nito.
Madz Moratillo