DFA chief Locsin magtutungo sa Ukrainian border para pangasiwaan ang pagpapauwi sa mga Filipino
Sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr. na magtutungo siya sa Ukrainian border para personal na pangasiwaan ang pagpapauwi sa mga Filipino sa gitna ng pag-atake ng Russia.
Aniya, bibiyahe siya kasama ng iba pang mga opisyal. Lubos din ang kaniyang pasasalamat sa Poland at hindi aniya natin iyon malilimutan.
Una nang sinabi ni Locsin na pumayag ang Poland na makapasok sa kanilang bansa ang mga Pinoy mula sa Ukraine na nais makabalik sa Pilipinas, kahit walang visa.
Hinimok ng ang mga Pinoy sa Ukraine na huwag mag-panic, at dahil ang bansa ay nasa alert level 2, nangangahulugan na ang mga Filipino ay maaaring boluntaryong mapauwi.
Sa ngayon, hindi bababa sa anim na Pinoy ang dumating na sa Pilipinas mula sa Ukraine.
Ang pag-atake ng Russia sa Ukraine, ay nag-udyok para magpalabas ng magkakahiwalay na pahayag ng pagkondena ang US, United Kingdom, at iba pang Western countries.
Kinondena rin ng North Atlantic Treaty Organization (NATO), isang alyansang militar sa pagitan ng hindi bababa sa 28 mga bansa sa Europa at dalawang mga bansa sa Hilagang Amerika, ang pag-atake ngunit tumigil sa pagsasabing magbibigay ito ng tulong militar sa Ukraine, na hindi miyembro ng NATO.
Sinabi ng ilang analysts, na bagama’t ang pag-atake ng Russia ay hindi makatwiran, ito ang kinahantungan ng ilang taon nang pagwawalang-bahala sa kanila ng Western countries.
Binanggit ni Richard Sakwa, isang professor ng Russian at European politics sa University of Kent sa United Kingdom, ang tahasang pagtanggi ng mga kanluraning bansa sa mungkahi ng Russia na securiy arrangements sa gitna ng patuloy na pagpapalawak ng NATO sa Eastern European countries malapit sa Russia.
Binanggit din ni Sakwa ang hinaing ng Russia sa hindi pagkondena ng mga taga kanluran sa Ukraine, na nagpalabas ng public statements tungkol sa plano nitong maging isang nuclear powerhouse.