Israel bukas na muli sa lahat ng turista simula sa Marso 1
Inanunsiyo ng Israeli government ang pagbubukas ng kanilang bansa sa lahat ng turista bakunado man o hindi simula sa Marso 1.
Ito ay bunsod ng patuloy na pagbaba ng kaso ng mga nasasawi dahil sa COVID-19 sa buong mundo.
Sa ilalim ng bagong guidelines, lahat ng turista anuman ang edad at bakunado man o hindi laban sa COVID ay pinapayagan nang makapunta sa Israel.
Ang kinakailangan lang anila na iprisinta ng mga turista ay ang negatibong RT-PCR test bago dumating at sumailalim muli sa COVID testing pagdating sa Israel.
Sa nakaraan ay tanging ang mga vaccinated tourists lamang ang pinapayagan na makapunta sa Israel.
Ayon kay Prime Minister Naftali Bennett, mabuti ang COVID situation sa Israel.
Pero tiniyak ni Benett na bagamat binubuksan na nila ang turismo ay patuloy na binabantayan nila ang sitwasyon at agad na aaksyon sakaling may bagong variant muli ng sakit.
Kampante naman si Israel Director of Tourism Sammy Yahia na ang bilang ng mga turista sa Israel ay unti-unting maaabot ang dami ng mga bumisita sa kanilang bansa bago magkaroon ng pandemya bunsod ng pagluluwag sa mga COVID restrictions.
Moira Encina