Sawsawan lang ulam na!
Mga kapitbahay, pagkwentuhan naman natin ang sawsawan. Ano ba ang karaniwang sawsawan ninyo sa bahay?
Ano ang paborito ninyong sawsawan?
Naka-kwentuhan natin si Chef Rico Echevarria at isa ito sa naging topic namin, ang tungkol sa sawsawan.
Ang sabi ni Chef Rico, ang bawat pagkain, pati na ang sawsawan ay may itinatagong kwento.
Ang masasabing pinakatanyag na sawsawan sa Pilipinas ay ang toyo-mansi, pero, ang maituturing na kauna-unahang sawsawan ng mga Pinoy ay ang bagoong alamang, hindi patis.
Noong araw ay walang palamigan o refrigerator na tulad ngayon, kaya inaasinan ang maliliit na isda para maging pampalasa gaya ng bagoong alamang.
Isa pang paboritong sawsawan dito sa atin ay ang ketsup na matamis, na sa Pinas mismo naimbento .
Siyempre, sawsawan din natin ang suka na may sili at toyo.
Isama pa rin ang achara o atsara na maraming klase, may atsarang dampalit , ampalaya, labanos at kung ano-ano pa.
Masarap ding sawsawan ang buro para sa piniritong isda .
Ang sarap kaya ng burong mustasa o burong mangga!
Alam n’yo noong nakatira pa kami sa Pampanga at Bulacan, napatira kami kung saan ang mga kapitbahay ay may mga puno ng mangga.
Kaya sa tuwing panahon ng mangga, nagkakalaglagan lang talaga.
Kaya ang ginagawa ng nanay ko ay gumagawa ng burong mangga.
Paglipas lang ng 4-5 days ay puwede ng kainin.
Bagaman, mas mainam kung mas matagal pa para maburo talaga.
Ang sarap na kapartner ang piniritong isda.
Sabi pa ni Chef Rico, sa ngayon, marami na sa atin ang hindi makakain ng walang sawsawan.
Napasasarap kasi nito lalo ang isang putahe, mas nakagagana ng pagkain, kaya napaparami ang kain mo.
Siyanga pala, may nakausap ako dati na isang kapitbahay natin, sabi niya ay hindi siya nagsasawsawan.
Ang sabi ko ay bakit naman? Sabi niya, “ayokong tumaba!”
Ano ba ‘ yan ang sabi ko, walang kabuhay – buhay ang iyong pagkain.
Kaya ang tanong ko mga kapitbahay, para sa mga hindi makakain ng walang sawsawan,
Ano ang best sawsawan para sa inyo ?