Anti-corruption campaign ad, inilunsad ng Task Force against Corruption
Nanawagan ang Task Force Against Corruption (TFAC) sa publiko na isumbong ang lahat ng uri ng katiwalian sa gobyerno.
Ito ay sa pamamagitan ng bagong lunsad na anti-corruption campaign advertisement ng TFAC na “Hindi Sa’yo Yan.”
Ayon sa DOJ na namumuno sa TFAC, layon ng campaign ad na mapalakas ang laban ng pamahalaan laban sa kurapsyon at mahimok ang publiko na lumahok sa pagsawata nito.
Sa kampanya, ipinunto na naging desensitized o manhid na ang mga tao sa maliliit na porma ng kurapsyon kaya nakalulusot ang mga tiwaling indibiduwal sa kanilang iligal na gawain.
Binigyang-diin din sa kampanya na ang halaga ng salapi na ibinulsa ng mga tiwali anuman ang halaga basta ito ay hindi ito sa kanya ay kurapsyon.
Sa campaign ad, sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kapag hinayaan ang kurapsyon ito man ay maliit o malaki ay sisirain nito ang kinabukasan ng bansa.
Dahil dito, dapat aniyang maglakas- loob ang publiko na isigaw na “Hindi Sa’yo Yan.”
Ang campaign ad ay naka-post online sa official Facebook page ng DOJ at iniere sa iba’t ibang TV at radio stations.
Ang TFAC ay nilikha ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng memorandum order para imbestigahan ng DOJ ang alegasyon ng katiwalian sa buong gobyerno.
Bukod sa DOJ, ang TFAC ay binubuo ng NBI,Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), Office of the Special Assistant to the President (OSAP), National Prosecution Service (NPS), at Anti-Money laundering Council (AMLC).
Katuwang din ng TFAC ang Commission on Audit (COA), Civil Service Commission (CSC), at Office of the Ombudsman.
Moira Encina