Ano ang epekto kapag sinuspinde ang excise tax ?
Mga ka-Isyu narinig n’yo na ba ang latest?
Salamat kung narinig tayo ng nasa pamahalaan dahil ang sabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles ay isasailalim na daw sa pag-aaral kung ano ang magiging epekto sa kabang- yaman ng gobyerno sakaling suspendihin ang excise tax.
Matatandaan na nakapaloob sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law o TRAIN Law na pinagtibay ng Duterte Administration.
Pinalawig nito ang paniningil ng tinatawag na excise tax sa mga inaangkat na produktong petrolyo.
Dito kumikita ang gobyerno, dito kinukuha ang ilang pondo para maging pantustos sa mga social service na kailangan natin partikular sa pagharap sa Covid-19 pandemic.
Alam po ninyo, nagluwag man ang gobyerno at nasa alert level 1 man ang NCR at 38 siyudad at probinsya, may banta pa rin ng Covid-19.
For economic considerations kaya nagluwag, kaya hindi tayo dapat magpabaya at magpakakampante .
Samantala, umaasa ang mga economic manager natin na sa second quarter ng taon, sa nalalabing apat na buwan ng Duterte Administration,
kahit papaano ay may matira naman sa kabang-yaman ng bansa.
Kahit papaano ay makakakolekta pa rin ang gobyerno ng pera sa pamamagitan ng buwis.
Gaya ng ipinaliliwanag natin at madalas na sinasabi ko sa programa, hindi natin maiiwasan na tayo ay patawan ng buwis ng gobyerno dahil isa sa katutubong kapangyarihan ng estado ay ang paniningil ng buwis o ang tinatawag na power of taxation.
Pati ang police power para mamintena ang peace and order at ang power of eminent domain.
Ang gobyerno ay may kapangyarihan na kunin ang iyong pag-aari, hindi ka makatatanggi lalo pa nga’t gagamitin ito sa kapakanan ng mas nakararaming mamamayan.
Pero hindi naman kukunin ng libre, with just compensation.
Halimbawa, kalsada na pakikinabangan ng taumbayan.
Alam po ninyo, nakalulungkot na ang tinatamaan ng mga bayarin sa buwis ay ang maliliit na mamamayan, tayo ang pumapasan.
Ito ang epekto ng pagpapataw ng buwis.
Ang bawat administrasyon ang isa sa kanilang priority na isinusulong ay kung paano makakakolekta ng dagdag na pondo dahil dito nabubuhay ang gobyerno.
Kaya nga nang maupo si Pangulong Duterte pinagtibay ang TRAIN Law at isa sa pinatawan ng karagdagang buwis sa ilalim ng batas ay ang pangungulekta ng excise tax
sa mga inaangkat na langis.
Ngayon, may gagawing hakbang ang gobyerno, pag-aaralan ng Department of Finance at Department of Budget and Management kung ano ang magiging epekto kung sakaling suspendihin ang excise tax .
Pero, ibig sabihin nito mababawasan ang kuleksyon ng pamahalaan. Baka mauwi na naman tayo sa pangungutang, nakupo! Lubog na tayo sa utang, sa katunayan ang ating utang panlabas ay mahigit 11 trilyong piso na!