Singil sa tubig ng Maynilad at Manila Water, matatapyasan –MWSS
Simula sa Marso 21 ay asahan na ng mga customers ng Maynilad at Manila Water ang pagbaba ng singil sa kanilang kinukonsumong tubig.
Ayon kay MWSS Regulatory Office Chief Regulator Patrick Lester Ty, ang bawas-singil ay dahil sa pagtanggal sa 12% VAT sa tubig ng mga water companies.
Ipinaliwanag ni Ty na inalis ang VAT matapos na maging batas ang legislative franchises ng Maynilad at Manila Water na epektibo sa March 21.
Sa ilalim ng National Internal Revenue Code, exempted sa VAT ang isang prangkisa.
Ito aniya ang unang pagkakataon na nagkaroon ng sariling prangkisa ang dalawang kumpanya kaya ngayong lang din maaalis ang VAT sa sinisingil nito sa mga konsyumer.
Sinabi ng opisyal na malaki-laki rin ang matitipid sa babayaran sa tubig ng mga customers dahil sa pag-alis sa nasabing buwis.
Sa pagtaya ng MWSS, nasa 9% hanggang 10% ang mababawas sa water bills ng mga konsyumer.
Moira Encina