Zero Covid-19 positive passengers, naitala ng MRT-3 nitong Pebrero
Walang naitalang pasahero na nagpositibo sa Covid-19 nitong nakalipas na Pebrero ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
Ayon sa MRT-3 Management, nasa 488 antigen test ang ginagawa ng MRT bilang bahagi ng kanilang voluntary at random testing.
Nabawasan na ito kumpara sa 1,335 antigen tests na ginagawa nila sa initial rollout mula Enero 11 hanggang 31.
Ayon sa MRT, magpapatuloy pa ngayong Marso ang libreng random antigen test sa kanilang mga istasyon kahit pa ibinaba na sa Alert Level 1 ang Metro Manila at ilang lugar sa bansa.
Ginagawa ang antigen test sa North Avenue, Cubao at Shaw Boulevard stations ng MRT-3.
Ito ay mula Lunes hanggang Biyernes, alas-7:00 – 8:00 ng umaga at alas-4:00 – 5:00 ng hapon.
Samantala, tuloy ang mahigpit na implementasyon ng minimum public health standards sa buong linya ng MRT-3 kasabay ng pagpapatupad ng Alert Level 1 sa Metro Manila at pagbabalik sa 100% ng kapasidad ng mga tren ng linya.
Mahigpit na ipinatutupad ang pagsusuot ng facemask sa lahat ng oras, samantalang boluntaryo ang pagsusuot ng face shield.
Ipinagbabawal din sa loob ng mga tren ang pagkain at pag-inom, gayundin ang pakikipag-usap at pagsagot sa telepono.
Ang mga health protocols ay istriktong ipinatutupad ng mga train at platform marshals ng MRT-3, na may awtoridad na magpababa o huwag magpasakay ng sinumang pasaherong matatagpuang sumuway sa mga ipinatutupad na health protocols ng linya.