DOJ kakasuhan ang 3 pulis na dawit sa pagkamatay ng Spanish national sa buy-bust
Inirekomenda ng Office of the Prosecutor General ng DOJ na sampahan ng kasong murder at planting of evidence ang tatlong pulis na dawit sa pagkamatay ng isang Spanish national sa anti-illegal drugs operations sa Siargao Islands noong 2020.
Ayon sa OPG, ihahain ang mga kaso laban sa hepe at mga tauhan ng General Luna Municipal Police Station na sina PCapt. Wise Vicente B. Panuelos, PSgt. Ronel A. Pazo, at PSgt. Nido Boy E. Cantos sa korte sa Surigao del Norte.
Sa pagdinig ng panel of prosecutors, sinabi ng mga respondent na ang banyaga na si Diego Lafuente na napatay sa drug buy bust noong Enero 8, 2020 ay ang no.1 drug personality sa Caraga Region.
Iginiit ng mga respondents na pinaputukan sila ng baril ni Lafuente kaya napilitan silang idepensa ang sarili at barilin ang dayuhan na nagresulta sa pagkamatay nito.
Pero sa ebalwasyon ng panel of prosecutors sa mga ebidensya ng NBI ay nakitang may sapat na basehan para kasuhan ng murder at planting of evidence ang tatlong pulis.
Batay din sa SOCO reports at forensic results,
walang shootout sa pagitan ng mga pulis at ni Lafuente na taliwas sa depensa ng mga respondents.
Samantala, ibinasura ng piskalya ang reklamong perjury laban sa mga pulis.
Moira Encina