Kasunduan ng COMELEC at Rappler, ipinapawalang-bisa ng OSG sa SC
Kinuwestiyon sa Korte Suprema ng Office of the Solicitor General ang legalidad ng memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng Commission on Elections (COMELEC) at online news site na Rappler.
Ang partnership agreement ay ukol sa fact-checking at election-related content at promotions.
Ayon sa OSG, labag sa Konstitusyon at iba pang batas ang kasunduan sa pagitan ng COMELEC at Rappler.
Ito ang iginiit ng OSG sa inihain nitong mahigit 100-pahinang petisyon sa Supreme Court na humihiling na ipawalang-bisa ang MOA.
Sa petisyon, hiniling din ng OSG na mag-isyu ang SC ng TRO at ipatigil ang implementasyon ng kasunduan ng poll body at news website.
Ayon sa OSG, ang Rappler ay isang foreign non-registered mass media company na pinangangasiwaan ng American citizen at pinupondohan at kinukontrol ng dayuhang entities tulad ng Omidyar Network Fund L.C.C.
Ipinunto ng OSG na ito ay paglabag sa Konstitusyon, Omnibus Election Code, at iba pang batas laban sa pakikialam ng dayuhan sa eleksyon ng bansa.
Nalalabag din anila ng MOA ang right to privacy ng mamamayan dahil binibigyan ng poll body ang Rappler ng access sa mga key information at confidential data ng mga rehistradong botante.
Sa ilalim din anila ng kasunduan ay may access ang news site sa datos ng untransmitted votes nang walang safeguards kung papaano mapuprotektahan ng COMELEC at Rappler ang sanctity ng mga nasabing boto.
Iginiit ng OSG na nanganganib ang kinabukasan ng bansa dahil sa maling desisyon ng poll body na makipag-partner sa isang foreign controlled media company na ang lisensya ay nirevoke noong 2018 at hayaan ito na makaimpluwensiya sa halalan.
Hindi anila makakamit ng bawat Pilipino ang malaya, maayos, matapat, mapayapa at kapani-paniwala na eleksyon kung papayagan ang COMELEC na ituloy ang iligal na partnership nito sa Rappler.
Moira Encina