Kaugnay ng Fire Prevention Month, tangke ng LPG dapat tiyaking tunay
Dahil ang Marso ay Fire Prevention Month, nagpaalala si LPGMA Party-list Rep. Allan Ty sa lahat na tiyaking ligtas at hindi peke ang LPG tank na gamit sa bahay.
Sinabi ni Ty, na marami pa rin kasing nagkalat na pekeng tangke ng LPG na nabibili sa merkado, na maaaring pagmulan ng sunog.
Ayon kay Ty, isinulong niya sa Kongreso ang LPG Industry Regulation Act at naging isa nang batas, kaya’t kailangang maipatupad ng mga kinauukulan ang probisyong nakapaloob dito, upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong isang taon at ganap nang batas ang Republic Act 11592 o ang “LPG Industry Regulation Act,” na ang layunin ay mapalakas ang kapangyarihan ng mga pulis at iba pang ahensiya sa paghuli at pagpaparusa sa mga nagbebenta ng peke at mababang kalidad ng LPG.
Samantala, nagpaalala rin ang Republic Gas Corporation o Regasco sa mga konsyumer, na tiyaking tama ang selyo ng binibiling LPG at hindi kinakalawang ang basyo, dahil ito anila ay senyales ng mababang kalidad ng LPG.
Anila, bukod sa lugi na ang konsyumer sa biniling LPG, ay maaari pa iyong maging sanhi ng pagsabog at pagmulan ng sunog.