Malakanyang pabor sa kahilingan ng mga manggagawa na wage increase
Suportado ng Malakanyang ang apela ng mga manggagawa na magkaroon na ng dagdag sahod.
Sinabi ni Acting Presidential Spokesman Secretary Martin Andanar na nagkaroon na ng posisyon si Labor Secretary Silvestre Bello III na itaas na ang suweldo ng mga manggagawa sa ibat-ibang rehiyon kaya pinakilos na ng Department of Labor and Employment o DOLE ang mga Regional Wage and Productivity Board na talakayin ang minimum wage adjustment.
Batay sa suhestiyon ng DOLE ang minimum wage sa National Capital Region o NCR na 537 pesos kada araw ay itataas sa 750 pesos samantalang sa ibang rehiyon na 282 pesos ay gagawing P420.
Ayon kay Andanar sa pamamagitan ng dagdag suweldo makakaagapay ang mga ordinaryong manggagawa sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa na epekto ng paggalaw ng halaga ng krudo sa pandaigdigang pamilihan dahil sa nagaganap na kaguluhan sa Ukraine.
Inihayag naman ng Employers Confideration of the Philippines o ECOP na kailangang balansehin ng gobyerno ang kapakanan ng mga negosyante at mga manggagawa dahil nasa gitna pa ng pandemya ng COVID-19 ang bansa na pumilay sa buhay at kabuhayan.
Niliwanag ng ECOP na 90 percent ng mga negosyo sa bansa ay binubuo ng Micro Small Medium Enterprises o MSME na nalumpo dahil sa pandemya ng COVID-19 na hanggang ngayon ay hindi pa nakakabawi.
Vic Somintac