Truckers’ group: Port congestion noong 2014 posible na maulit dahil sa sobrang taas presyo ng diesel
Nababahala ang isang grupo ng mga truckers na maulit ang problema ng port congestion na nangyari noong 2014 sa bansa.
Sinabi ni Inland Hauler & Truckers Association President Teddy Gervacio na ito ay kung hindi aaksyunan ng gobyerno ang hirit ng mga transport groups laban sa sobrang pagtaas ng presyo ng krudo.
Ayon kay Gervacio, ayaw man ng mga truckers ay kusang hihinto sila sa biyahe dahil sa kawalan ng pambili ng diesel na ikakarga sa mga truck.
Dahil dito, nangangamba sila na magkaroon ng panibagong port congestion at hindi mai-deliver ang mga import cargos, lokal na produkto, raw materials, mga gamot at mahahalagang kargamento.
Muli namang umapela ang truckers group at National Public Transport Coalition na suspendihin ang oil excise tax at fuel subsidies maging sa mga truckers.
Moira Encina