Gusot sa pagitan ng PATAFA at ni Ej Obiena ipinamamadali sa PSC
Hinimok ni Senador Christopher Bong Go ang Philippine Sports Commission na madaliin ang pagresolba sa alitan sa pagitan ng Philippine Athletic Track and Field Association at ang olympian na si Ernest John “EJ” Obiena.
Nadismaya si Go na Chairman ng Senate Committee on Sports sa kabiguan ng PSC na ayusin ang gusot sa pagitan ni Obiena at PATAFA.
Dahil dito hindi nakasali si Obiena sa World Athletic Indoor Championship sa Serbia nitong weekend at malabo rin ang tiyansa sa 31st Southeast asian games sa Hanoi, Vietnam sa Mayo.
Noong Pebrero una nang inimbestigahan ng komite ni Go ang isyu at inatasan ang PSC na mamagitan sa bangayan at umapila sa magkabilang panig na wag nang haluan ng pulitika ang isyu.
Nag- ugat ang isyu dahil sa umano’y hindi pagbabayad ni Obiena sa kaniyang coach at umanoy malabong liquidation sa kaniyang mga natatanggap na allowances na pinabulaanan na ni Obiena.
Dismayado naman ang atleta at sports leader na si Monsour del Rosario na dahil sa girian ay tila mawawala ang mga pangarap ni Obiena na sumabak sa mga International competition.
Nakakalungkot aniya dahil sa halip na protektahan ang interes at pangalagaan ang mga atleta, sinabi ni Del Rosario na hindi sinunod ng PSC ang direkta ng Senado na magkaroon ng mediation process.
Meanne Corvera