P200 na ayuda sa mga mahihirap pinagagawa ni Pangulong Duterte na P500
Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Finance Secretary Carlos Dominguez na gawing P500 ang naunang P200 na ayuda para sa mga mahihirap na mamamayan sa bansa.
Sinabi ng Pangulo na napakaliit ang P200 na ayuda para sa mga benepisyaryo ng 4PS o Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Ayon sa Pangulo, bahala na ang susunod na Presidente ng bansa kung itutuloy parin ang pamamahagi ng ayuda sa mga mahihirap na mamamayan.
Inihayag ng Pangulo , dapat maghanap ng pondo ang Department of Finance at Department of Budget and Management para sa dagdag na ayuda sa mga tinaguriang poorest of the poor.
Matatandaang sa naunang plano na P200 na ayuda sa mga mahihirap na mamamayan naglaan ang gobyerno ng 33.1 bilyong pisong pondo na hinugot sa 2022 National budget.
Ang pamamahagi ng ayuda sa mga mahihirap na mamamayan ay bahagi ng targeted relief scheme ng pamahalaan para tulungan ang mga apektadong sektor dahil sa pagtaas ng mga bilihin dulot naman ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa na epekto ng kaguluhan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Vic Somintac