Early registration ng DepEd, itinakda sa Marso 25-Abril 30
Itinakda ng Department of Education (DepEd) sa huling bahagi ng Marso, ang early registration sa mga pampublikong paaralan sa bansa para sa School Year 2022-2023.
Nakasaad sa memorandum na bilang paghahanda para sa pagbubukas ng klase, inanunsiyo ng DepEd na ang Early Registration para sa SY 2022-2023 ay isasagawa sa buong bansa mula March 25 hanggang April 30, 2022.
Layon nitong mabigyan ng pagkakataon ang departamento na gawin ang kaukulang paghahanda at adjustments sa kanilang mga plano para sa darating na school year.
Ayon sa DepEd, ang pre-registration ay para sa mga estudyanteng papasok sa Kindergarten, Grade 1, 7 at 11.
Samantala, hindi na kailangang magparehistro ng mga mag-aaral sa Grades 2-6, 8-10 at Grades 12, dahil sila ay ikinukonsiderang rehistrado na.
Hinikayat naman ng DepEd ang mga pribadong paaralan na magsagawa rin ng pre-registration sa kaparehong mga petsa.
Nakasaad pa sa memorandum na sakaling may mga lugar na isailalim sa Alert Level 3 hanggang 5, dapat gawing remotely ang registration.
Sa mga lugar naman na nasa ilalim ng Alert Level 1 at 2, ay maaaring gawin ang in-person registration subali’t dapat matiyak na masusunod ang physical distancing maging ang health at safety protocols, upang maiwasn ang hawaan ng COVID-19.