Petisyon para atasan ang COMELEC na maging transparent sa poll activities, inihain sa SC ng National Press Club
Dumulog sa Korte Suprema ang National Press Club at dalawang iba pang grupo para hilingin na obligahin nito ang COMELEC na maging transparent sa lahat ng aktibidad kaugnay sa eleksyon sa Mayo.
Sa kanilang petition for mandamus, kinuwestiyon ng mga petitioners ang hindi pagsasapubliko ng poll body sa mga paghahanda nito sa halalan.
Ilan sa mga ito ang pag-i-imprenta ng mga balota, configuration ng SD cards, deployment ng VCMs at ang mga lokasyon ng mga technical supports hubs nito.
Partikular na ipinagtataka ng petitioners kung bakit isinikreto ng poll body ang paglilimbag ng mga balota.
Ikinakabahala din ng NPC ang ukol sa mga depektibong balota na hindi ipinapasuri o ipinapakita sa media na maaaring magamit sa dayaan.
Anila dapat masaksihan din ang pagsira sa mga sinasabing defective ballots.
Nais din ng petitioners na atasan ng Supreme Court ang COMELEC na ipatupad nang buo ang digital signatures gaya ng isinasaad sa Automated Elections Systems Law.
Umaasa ang mga grupo na magpapalabas ang COMELEC ng resolusyon na gagawin nito ang lahat ng poll transparency activities at bigyan ng access ang media, political parties at NGOs na masaksihan ang mga ito para matiyak na malinis na halalan.
Samantala, nakatakda ring kuwestiyunin sa SC ng NPC ang fact-checking agreement sa pagitan ng poll body at Rappler.
Moira Encina