Publiko, hinimok na makiisa sa pagdiriwang ng Philippine Veterans Week mula Abril 5-11
Itinakda mula Abril 5-11, 2022 ang pagdiriwang ng ika-80 Araw ng Kagitingan.
Kaugnay nito, hinimok ng Department of National Defense (DND) at Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) ang publiko lalu na ang mga kabataan na makiisa sa pagdiriwang.
Ang tema ngayong taon ay “Kagitingan ng mga Beterano, Inspirasyon ng Nagkakaisang Pilipino”.
Ayon sa PVAO, magandang pagkakataon ito upang buhayin ang diwa ng nasyonalismo sa lahat ng Pilipino sa pamamagitan ng pagkilala sa kagitingan at sakripisyo ng mga beteranong Pilipino ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sisimulan ang selebrasyon sa pamamagitan ng Sunrise ceremony sa Abril 5 sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig city at susundan ng wreath-laying ceremony sa Tomb of the Unknown soldier na tradisyunal na pinangungunahan ng Commanding-General ng Philippine Army.
Sa Abril 7 naman ay magkakaroon ng “Tribute to all Filipino Heroes” sa Filipino Heroes Memorial sa Corregidor island, Cavite.
Sa Abril 10 naman isasagawa ang “Paggunita sa Capas” sa Capas National shrine, Tarlac, para alalahanin ang mga beterano na nagdusa sa Death march at ikinulong sa Camp o’ Donnel concentration camp.
Ang “sunset ceremony” naman sa Abril 11 sa Libingan ng mga Bayani, ang opisyal na pagtatapos ng Philippine Veterans week.
Ang pagdiriwang ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 466, s. of 1989 na idinedeklara ang Abril 5- 11 kada taon bilang Philippine Veterans Week.
Kasama rin dito ang kada taong pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan o Day of Valor tuwing Abril 9 alinsunod sa Executive Order No. 203, series of 1987.