Resolusyon para paimbestigahan ang kabiguan ng BIR na makolekta ang excise tax ng Pamilya Marcos, Inihain sa Senado
Pinaiimbestigahan na ni Senador Aquilino Koko Pimentel sa senado ang kabiguan ng Bureau of Internal Revenue na makolekta ang estate tax ng Pamilya Marcos.
Sa Senate resolution 998, sinabi ni Pimentel na dapat malaman bakit pagkatapos ng dalawamput limang taon, bigo pa rin ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng BIR na makolekta ng hinihinging buwis.
Nais ng Senador na magpatawag ng pagdinig ang Senado at pagpaliwanagin ang mga dating opisyal ng ahensya.
Tinukoy nito ang ruling ng Supreme court noong 1997 na pumapabor sa desisyon ng Court of tax appeals na pagbayarin ng estate tax na aabot sa 203 billion ang Pamilya Marcos at ito ay final and executory.
Para sa Senador, malaking pondo ang maaring madagdag sa kaban ng bayan kapag nakolekta ang estate tax dahil maaari itong gamiting pang-ayuda sa mga apektado ng pandemya at mahal na presyo ng gasolina.
Nauna nang sinabi ng BIR at Department of Finance na nagpadala na sila ng demand letter pero hindi pa raw ito natatanggap ng Pamilya Marcos.
Meanne Corvera