Inflation rate ng Pilipinas nitong Marso, pumalo sa 4 %
Lalo pang bumilis ang inflation o paggalaw ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa nitong Marso.
Sa ulat ni Undersecretary Dennis Mapa ng National Statistic Office, pumalo na sa 4.0 percent ang inflation mas mataas kumpara nitong Pebrero ngayong taon na umabot lang sa 3 percent.
Pinakamalaking nag-ambag sa inflation ang transport sector dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina na umabot na sa 36.7 percent at diesel na 58 percent.
Mula noong Enero ngayong taon, linggo linggong nagtataas ng presyo ng krudo maliban sa ipinatupad na bigtime rollback noong March 22 at ngayong April 5.
Sinabi ni Mapa na ang apektado ng nangyayaring gusot ngayon sa Russia at Ukraine ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa.
Dahil sa hindi maawat na pagtaas ng presyo ng krudo, apektado ang presyo ng mga bilihin tulad ng karne ng baboy gulay, bigas isda, tinapay at iba pang pastry products.
Tumaas rin ang presyo ng LPG, kuryente, renta sa bahay at iba pang serbisyo.
Sa Metro manila naitala ang 3.4 percent na pagtaas ng bilihin at serbisyo.
Sa BARMM ang naitalang pinaka mababang presyo ng bilihin at serbisyo na umabot sa 1.5 percent habang ang Region 8 ang may pinakamataas na umabot sa 5.3 percent .
Meanne Corvera