DOJ handang tulungan ang COMELEC sa laban sa fake news
Nagpahayag ng kahandaan ang DOJ na tulungan ang COMELEC sa paghabol laban sa mga nagpapakalat ng fake news.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na sa ngayon ay hindi pa lumalapit ang poll body sa DOJ o NBI sa plano nitong task force laban sa pekeng balita.
Pero, gaya aniya sa kampanya laban sa vote buying, handa ang DOJ na tumulong sa imbestigasyon at pagpapanagot sa mga nasa likod ng pekeng impormasyon.
Ayon sa kalihim, ang pagpapakalat ng maling impormasyon na nakakaapekto sa public order at interest ay criminal offense na nasa mandato ng DOJ at NBI na imbestigahan at usigin.
Una nang inihayag ni COMELEC Commissioner George Garcia na ipapanukala niya ang pagbuo ng task force laban sa fake news lalo na’t marami sa mga ito ang may kaugnayan sa eleksyon.
Moira Encina