Human trafficker, arestado sa NAIA Terminal 1
Hinuli ng mga tauhan ng NBI-International Airport Division (NBI-IAID) ang isang babae sa NAIA Terminal 1 dahil sa sinasabing human trafficking.
Ayon sa NBI, tinangka ng suspek na si Jasmina Marohombasar alyas Jasmina Dida na ilabas ng bansa papuntang Dubai ang 15 taong gulang na biktima.
Inilapit ng NAIA Airport Police ang insidente sa NBI matapos na humingi ng tulong ang biktima nang iwan ni Marohombasar sa airport.
Napagalaman ng mga otoridad na nagtrabaho ang biktima bilang baby sitter ng dalawang taong gulang na anak ng suspek mula October 2021 hanggang January 2022.
Binayaran lang ito ng Php1,500 para sa tatlong buwan sa halip na buwanang sahod na Php3,500.
Noon Pebrero, kinumbinsi nito ang biktima na sumama sa Dubai kung saan kikita siya ng Php10,000 at ito ang nagasikaso sa travel documents ng menor de edad.
Kumuha naman ang biktima ng otorisasyon mula sa nanay nito at ibinigay kay Marohombasar.
Dumating sa NAIA Terminal 1 ang biktima at suspek noong March 23 pero sinabing hindi na ito makakasama sa Dubai dahil walang travel clearance ang menor de edad sa DSWD.
Inaresto ng NBI ang suspek matapos na makumpirma mula sa DSWD Region VII na walang clearance para bumiyahe ang biktima.
Sinampahan na ang suspek sa piskalya ng mga reklamong human trafficking at child abuse.
Moira Encina