Posibleng pagpasok ng Omicron XE subvariant sa bansa at mababang rate ng booster shot, ikinaalarma ng grupo ng mga manggagamot
Nababahala ang mga miyembro ng Philippine College of Physicians (PCP) sa posibleng pagpasok sa bansa ng Omicron XE subvariant sa harap ng mababang rate ng booster shot ng mga Pilipino.
Pangamba ni PCP president Dr. Maricar Limpin, maaaring magdulot ito ng paglobong muli sa mga kaso ng Covid-19 pagsapit ng Mayo.
Tinukoy ni Limpin na ang mga nakatanggap ng primary series ng bakuna noong nakalipas na taon pero hindi pa nakatatanggap ng booster shot ay mahina na ang immunity o panlaban sa virus at prone na sila sa coronavirus infection.
Batay sa pinakahuling datos ng Department of Health, lumalabas na nasa 12.2 milyong indibidwal pa lamang sa bansa ang nakatanggap ng booster shot mula sa 66.2 milyong Pinoy na naturukan na ng ikalawang dose ng bakuna kontra Covid-19.
Ayon kay Limpin, wala pa naman sila ngayong nakikitang pagtaas sa mga kaso pero babala niya na sa sandaling makapasok sa bansa ang Omicron XE maaaring magdulot ito ng upsurge sa Covid-19 cases dahil sa umano’y mas nakahahawang subvariants nito.
Ang posibleng upsurge ng mga kaso ay maaaring makuha sa mas maluwag na restriksyong ipinatutupad ngayon sa bansa kasabay pa ng election campaign season kung saan kabi-kabila ang mga idinadaos na pagtitipon.
Una nang nagbabala ang ilang infectious disease experts sa mas nakahahawang subvariants ng Omicron, gayunman, epektibo pa naman ang mga kasalukuyang bakuna kontra Covid-19 na ginagamit sa bansa.
Samantala, inirekomenda rin ni Limpin na mag-isyu na lamang ng hiwalay na booster card sa halip na maglagay ng expiration date sa validity ng mga vaccination card.
Ito’y kasunod ng pahayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na inirerekomenda nila ang paglalagay ng 6 months expiration sa mga vaccination card upang mahikayat ang publiko na magpaturok ng booster.