P680,000 halaga ng shabu, nasabat sa 2 kababaihan sa Pangasinan
Nasa 680,000 pisong halaga ng shabu ang nakumpiska sa dalawang kababaihan sa entrapment operation na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa San Carlos city, Pangasinan.
Ayon kay PDEA Pangasinan officer Rechie Camacho, tinatayang nasa 40’s ang edad ng mga babaeng suspect na mula umano sa Metro Manila.
Nagsimula aniya ang operasyon o pagkakadakip sa mga babaeng high-value target madaling-araw ng Martes sa bayan ng Calasiao.
Maliban sa 100 gramo ng shabu, nakumpiska rin sa mga suspect ang mobile phone, drug paraphernalia, at marked money.
Sabi ng PDEA official na umuupa ng bahay sa San Carlos ang mga suspect at doon sila nagbebenta ng shabu pagkatapos ay bumabalik sa Maynila upang kumuha ng mga bagong suplay.
Nasa kustodiya na ng PDEA ang mga suspect at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.