Kampo ni Robredo, tila iwas-pusoy sa mga paratang ng ilang presidential candidates
Walang direktang sagot ang kampo ni presidential candidate at Vice- President Leni Robredo sa alegasyon ng ilang kandidato sa pagka-pangulo na kinausap sila ng panig nito para umatras sa eleksyon.
Sa joint presscon noong Linggo nina presidential aspirants Senador Panfilo Lacson, Manila Mayor Isko Moreno at dating Defense Sec. Norberto Gonzales, sinabi nila na hindi sila uurong sa presidential race sa kabila ng pagkausap sa kanila ng kampo ni Robredo na bumitiw sa halalan.
Sa statement ng tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez, inihayag lang nito na prerogative ng bawat kandidato na magpatuloy hanggang sa wakas.
Pinasaringan din ni Gutierrez ang aniya’y “theatrics” ng mga nasabing kandidato.
Binatikos din ng abogado ang “self-entitlement,” “fragility,” at “toxicity” ng tatlong kandidato.
Naniniwala si Gutierrez na mas mabuti at mas malalim kung nanahimik na lamang ang mga ito sa kanilang paggiit na hindi sila magwi- withdraw sa pagtakbo.
Nagpasalamat naman ang abogado dahil lalong luminaw ang mga “alignments” dahil sa pangyayari.
Patuloy lang aniyang nakatuon ang panig nila sa pagpapakita na ang Robredo presidency ay mangangahulugan na tagumpay ng mga Pilipino.
Moira Encina