Mga mahistrado ng SC nasa Baguio City para sa summer session
Sa unang pagkakataon mula nang magka-pandemya noong Marso 2020, nag-summer session sa City of Pines o sa Baguio City ang mga mahistrado ng Korte Suprema.
Magtatagal ang Baguio Summer Sessions hanggang sa Abril 29.
Ito ay taunang tradisyon ng mga SC magistrates tuwing Abril kung saan nagdaraos sila ng mga sesyon sa SC Baguio City Compound.
Natigil lamang ito noong 2020 dahil sa COVID-19 pandemic.
Nagsimula ito noong 1948 at pinasinayaan ng all-Pinoy justices sa pamumuno ni Chief Justice Manuel Moran.
Ilan sa mga isinasagawa sa summer sessions ay ang pagdeliberate ng mga kaso, pagsasapinal ng mga desisyon at pagresolba ng mga mosyon at urgent applications.
Susundan ang SC Summer Sessions ng intensive decision writing ng mga mahistrado sa Mayo upang matugunan ang backlog ng mga kaso.
Ang summer sessions ngayong taon ang una rin kay Chief Justice Alexander Gesmundo mula nang siya ay maitalaga na pinuno ng hudikatura noong Abril 2021.
Ang Baguio Summer Sessions ngayong Abril ang huli naman para kay Senior Associate Justice Estela Perlas-Bernabe na magreretiro sa Mayo.
Moira Encina