Maraming Manileño, undecided pa rin sa ibobotong mayor– Publicus Asia survey
Ilang linggo bago ang eleksyon, lumalabas na halos dikit ang labanan ng mga kandidato sa pagka-alkalde sa Maynila at marami sa Manileño ang undecided pa rin.
Batay ito sa resulta ng local election survey ng Publicus Asia na isinagawa mula April 8 hanggang April 13.
Anim na kandidato sa pagka-mayor ang nagtutunggali sa kapitolyo ng bansa.
Isa na rito si Manila Vice- Mayor Honey Lacuna na isang doktor at anak ni dating Vice Mayor Danilo Lacuna Sr.
Kalaban ni Lacuna sa pagiging local chief executibe ang businessman-laywer at anak ni dating Mayor Mel Lopez Jr. na si Alex Lopez at si Christy Lim na anak naman ni dating Mayor Alfredo Lim.
Sumabak din sa mayoralty race sa Maynila si dating Manila congressman Amado Bagatsing, retired police general Elmer Jamias, at independent candidate Onofre Abad.
Sa latest survey ng Publicus Asia ngayong Abril, pinakamarami ang mga Manileño na wala pang napipisil o undecided pa rin para sa ibobotong mayor ng lungsod na 28%.
Bagamat si Lacuna ang nangunguna sa mga pinagpipiliang alkalde na may 26% ay bumaba ito mula sa 32% noong Marso.
Sakaling si Lacuna ang magwagi sa eleksyon ay siya ang magiging kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila.
Tiniyak ng bise alkalde na ipagpapatuloy nito ang mga proyekto na nasimulan na ni Mayor Isko Moreno at pagbubutihin pa ang health programs ng lungsod.
Sumunod kay Lacuna sa ikalawang puwesto si Lopez na tumaas sa 13% mula sa dating 9%.
Si Lopez ay tumatakbo sa ilalim ng UniTeam nina Bongbong Marcos at Sara Duterte at isa sa itinuturing na mahigpit na kalaban ni Lacuna sa puwesto.
Ilan sa mga pangako ni Lopez sakaling mahalal ay ang ibalik ang Maynila pagiging richest city sa bansa, paglikha ng maraming trabaho at paghimok ng maraming negosyante na mag-invest sa lungsod.
Base pa sa Publicus Asia survey nitong Abril, pangatlo si dating Congressman Bagatsing sa mga pinagpipiliang kandidato sa pagka-mayor na 9% mula sa dating 13%.
Ikaapat si Abad na tumaas sa 7%, Lim na bumaba sa 6%, at Jamias na 4%.
Moira Encina