Anim patay sa pagsabog sa Shiite school sa Afghan capital
Hindi bababa sa anim katao ang nasawi at 24 na iba pa ang nasugatan, sanhi ng dalawang pagsabog ng bomba sa isang paaralang panglalaki sa Shiite Hazara neighbourhood ng Afghan capital.
Kapansin-pansing nabawasan ang bilang ng mga pag-atake sa Afghanistan mula nang patalsikin ng Taliban ang US-backed government noong August, subali’t nagsagawa naman ng ilang pag-atake ang jihadist Islamic State group mula noon.
Makikita sa mga larawang nai-post sa social media, na nagkalat ang ilang bangkay sa labas ng gate ng paaralan sa kapitbahayan ng Shiite Dasht-e-Barchi sa Kabul, kasama ng mga patak ng dugo, nasunog na mga libro at mga bag pang-eskuwela.
Ayon kay Ali Jan, isang estudyante na nasugatan sa unang pagsabog . . . “We were leaving school and had just stepped out from the rear gate when the explosion occurred.”
Ang ikalawang pagsabog ay nangyari habang paparating ang rescuers para kunin at dalhin sa ospital ang mga biktima ng unang pagsabog.
Sinabi ni Saeed Rahmatullah Haidari, estudyante sa paaralan . . . “Some of our friends have lost hands, while some were covered in blood. There were pieces of broken glass and pools of blood… my whole body was shaking.”
Sinabi naman ni Kabul police spokesman Khalid Zadran, na ang pagsabog sa labas ng Abdul Rahim Shahid school ay sanhi ng dalawang improvised explosive devices, na ikinasawi ng anim katao.
Kalaunan ay sinabi niya na isang granada ang inihagis din sa isang kalapit na English language centre sa kaparehong lugar, na ikinasugat ng isang katao.
Pahayag naman ng dalawang ospital, 24 na sugatang mga pasyente ang kanilang ginagamot.
Kinondena ng Amnesty International ang nangyaring pag-atake laban sa Hazara community.
Ayon kay Amnesty International South Asia Campaigner Samira Hamidi . . . “It also shows that the Taliban, as the de-facto authorities, are failing to protect civilians, especially those from ethnic and religious minority groups, from harm.”
Sa pahayag ni European Union special envoy to Afghanistan Tomas Niklasson, dapat mapanagot ang nasa likod ng aniya’y “heinous” attacks, habang nagbabala naman si UN Secretary-General Antonio Guterres na ang pag-atake laban sa mga sibilyan ay “mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng international humanitarian law.”