Animal rights’ group, hinimok ang publiko na maging vegan
Bahagi ng pagdiriwang sa Earth Day ngayong Abril 22, hinimok ng People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) ang publiko na mag-vegan.
Hawak ang mga karatulang may sulat na ‘Stop eating to extinction’ at ‘Happy Earth Day! Go Vegan,’ nag-protesta ang mga ‘dinosaur’ ng PETA para himukin ang mga tao na iwan na ang pagkain ng meat-based diet at maging vegan.
Ayon sa PETA, ang planeta ay nasa mass extinction event at nahaharap sa matinding sakuna kung hindi papalitan ang mga nakagawian ng tao.
Iginiit ng grupo na ang animal farming ang isa sa pinakamalalang contributor ng methane na nagpapainit sa mundo.
Sinabi ng PETA na bukod sa mabuti sa planeta ay maganda rin sa kalusugan ang plant-based diet dahil maraming sakit ang idinudulot ng pagkain ng karne.
Ipinunto pa ng grupo na mas madali na ngayon kaysa dati ang maging vegan.
Payo pa ng PETA, kahit paunti-paunti at hindi biglaan ay gawin ng tao ang pagiging vegan upang mabawasan ang kanilang carbon footprint.
Moira Encina