Daycare centers mananatiling bukas sa mismong araw ng halalan
Mananatiling bukas sa Mayo 9 ang mga daycare center na pinamamahalaan ng local government units (LGUs), upang palakasin ang partisipasyon ng mga ina sa proseso ng eleksiyon, ayon sa utos ng Commission on Elections (Comelec).
Sa tatlong pahinang resolusyon na inihain noong Abril 13, inatasan ng Comelec ang lahat ng LGU sa mga lalawigan, highly urbanized at independent na mga lungsod, munisipalidad at barangay na panatilihing bukas ang mga daycare center para sa mga bata upang magamit ng kanilang mga magulang ang karapatang bumoto.
Ang utos ng Comelec ay ipinadala sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para ipasa sa mga LGU.
Ayon sa Comelec . . . “In order to encourage women to vote without having to worry about their small children, the Commission en banc resolves to require all local government units, specifically provincial governments, city and municipal governments and barangays thru the [DILG], to open their daycare centers.”
Sinabi ng Comelec na ang daycare centers ay dapat bukas mula ala-6:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi sa araw ng halalan, kung saan dapat ipatupad ng mga guro o custodians ang minimum public health standards.
Dapat din na well-ventilated ang mga ito, madalas nililinis at sina-sanitize. Dapat ding ipatupad ang pagkuha sa body temperature, pagsusuot ng face masks at maximum number na pinahihintulutan.
Samantala, ipinamahagi rin ng Comelec noong Miyerkoles ang protocols para sa pagtatayo ng technical hubs para sa pagpapalit ng secure digital cards at pagkumpuni sa depektibong vote counting machines (VCMs), sa panahon ng final testing at sealing kaugnay ng May 9 elections.
Nakasaad sa 10-pahinang resolusyon na magkakaroon ng 82 technical hubs para rito sa ilalim ng direktang pamamahala at kontrol ng regional election director, provincial election supervisor o election officer depende sa kung saan itatayo ang mga hub.
Sinabi ng Comelec, na ang technical hubs ay bubuuin ng mga tauhan ng Department of Science and Technology (DOST) at Information and Communications Technology (ICT). Bawat kandidato, rehistradong political party o koalisyon ng political parties, mga asosasyon o organisasyon na kalahok sa party-list system at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), ay maaaring magtalaga ng dalawang watchers para sa inventory reports.
Isa pang resolusyon ang ipinamahagi rin ng Comelec noong April 20, na nagsasaad ng guidelines sa issuance ng access sa election results data mula sa media server sa University of Santo Tomas sa Maynila.
Sa ilalim ng Comelec guidelines, ang media ay inaatasang irespeto ang kapangyarihan ng transparency server center manager at kanilang mga kinatawan, dapat ding agad na ipakilala ang kanilang sarili pagpasok pa lamang sa transparency server center, at mahigpit na sundin ang minimum public health protocols at iba pang panuntunan.
Ayon pa sa ahensiya, kailangang mapanatili ng mga tauhan ng media ang kanilang propesyonalismo sa lahat ng oras dahil binigyang-diin nito na “hindi pahihintulutan ang mga hindi propesyonal na aktibidad,” na kinabibilangan ng anumang pag-uugali na itinuturing na nakagagambala sa trabaho sa transparency server center o anumang political activities.
Sinabi ng Comelec, na may karapatan itong bawiin ang media accreditation ng mga indibidwal na masusumpungang lumalabag sa guidelines.