2.6 milyong mag-aaral nag-preregister para sa SY 2022-2023
Inihayag ng Department of Education (DepEd), na 2,571,170 mga mag-aaral sa buong bansa ang nakapag-preregister na para sa school year 2021-2022.
Sa isang infographic na ipinalabas ng DepEd, 978,300 mag-aaral ang nag-enroll sa Grade 1; 566,374 sa Kindergarten; 551,281 sa Grade 7; at 475,215 sa Grade 11, hanggang kahapon, April 25.
Batay sa nasabing bilang, lumilitaw din na ang may pinakamataas na preregistration record ay ang Region 4-A o Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), na may 257,849 mag-aaral.
Una nang hinimok ni DepEd Secretary Leonor Briones ang mga magulang na umiwas sa mahabang pila, at agad na i-preregister ang kanilang mga anak upang makakuha ang kagawaran ng angkop na datos na kinakailangan para sa tamang pagpaplano at paghahanda para sa blended learning.
Ang target ng DepEd para sa early registrants ay higit 7.35 million. Nasa 28,674,298 milyong Kinder hanggang Grade 12 (K-12) enrollees ang tinatarget naman para sa susunod na school year.
Samantala, nakapagtala ang DepEd ng 25,786 participating schools sa progressive expansion ng face-to-face classes, 25,122 dito ay public schools, habang ang natitirang 664 ay private schools.
Sa iba pang pahayag, sinabi ng kagawaran na in-update na rin nila ang kanilang School Safety Assessment Tool (SSAT), na ngayon ay tututok sa school operations management, teaching and learning focus, well-being and protection, at school-community coordination.
Ayon kay Briones . . . “We ensure that the health, safety, and well-being of our learners, teachers, and personnel remain our utmost priority. Our revised SSAT will help the Department mobilize the progressive expansion of our face-to-face classes in areas under Alert 1 and 2.”