BA 2.12 Omicron subvariant, nadetect na sa bansa
Mayroon ng kaso ng BA 2.12 Omicron Subvariant dito sa bansa.
Ayon sa Department of Health, ang kauna unahang kaso ng BA 2.12 sa bansa ay isang 52 anyos na babaeng Finnish.
Dumating siya sa bansa noong Abril 2, at dahil fully vaccinated sya kontra Covid-19 at asymptomatic, hindi na ito sumailalim sa isolation sa quarantine facility.
Ang nasabing dayuhan ay bumiyahe sa isang university sa Quezon City at saka nagtungo sa Baguio City para magsagawa ng seminar.
Siyam na araw mula ng dumating siya sa bansa, nakaramdam ito ng sintomas gaya ng pananakit ng ulo at sore throat.
Nang maisailalim siya sa RT PCR test, positibo ang resulta.
Agad naman umanong nagsagawa ng contact tracing kung saan 9 na close contacts nito ang natukoy.
Lahat naman sila ay asymptomatic, pero may dalawang sumalang sa test, at negatibo naman ang naging resulta.
Ayon sa DOH, sumailalim sa 7 araw na isolation ang nasabing dayuhan at nang makarekober ay nadischarge na rin ito agad.
Nakabalik na umano ito sa kanyang bansa noong Abril 21.
Ang BA 2.12 ay mutation ng Omicron variant at sinasabing highly transmissible.
Laganap na rin ito sa Estados Unidos at may natukoy naring kaso sa South Korea.
Madelyn Villar- Moratillo