Fort Bonifacio, idineklara ng SC na parte ng Taguig City
Tinuldukan na ng Korte Suprema ang territorial dispute sa pagitan ng mga lungsod ng Makati at Taguig.
Sa mahigit 50-pahinang desisyon ng Supreme Court Third Division, idineklara nito na kumpirmadong teritoryo ng Taguig City ang Fort Bonifacio Military Reservation.
Kabilang sa Fort Bonifacio ang Bonifacio Global City.
Ibinasura ng SC ang petition for review ng Makati City laban sa mga resolusyon ng Court of Appeals na nagbabasura sa hirit nito na ibigay sa Makati ang hurisdiksyon sa Fort Bonifacio.
Kaugnay nito, ginawa na rin ng permanente ng SC ang writ of preliminary injunction na inilabas ng Pasig City Regional Trial Court pabor sa Taguig.
Iniutos din ng Korte Suprema sa Makati City na bayaran ang gastos sa kaso.
Ayon sa SC, nakumbinsi ito na napatunayan ng Taguig sa mga ebidensya ang claim nito sa Fort Bonifacio.
Mas credible din anila ang mga ebidensya ng Taguig sa disputed area.
Partikular na ikinonsidera ng SC sa desisyon nito ang mga historical evidence, maps, at cadastral surveys.
Moira Encina