Dayuhang nagpositibo sa BA.2.12 sub variant ng Omicron, higit 40 ang close contact
Umabot na sa mahigit 40 close contact ng dayuhang nagpositibo sa BA.2.12 subvariant ng Omicron ang natukoy ng Department of Health.
Ayon kay Health undersecretary Ma. Rosario Vergeire, ang 9 sa mga ito ay nakasalamuha niya ng magpunta siya sa Quezon city.
Ang 5 naman ay sa Benguet habang 30 ay nakasakay nito sa eroplano patungo sa bansa.
Ang nasabing 52 anyos na babaeng dayuhan na nagpositibo sa BA.2.12 ay mula sa Finland at dumating sa bansa noong Abril 2.
Dahil fully vaccinated hindi na siya sumailalim sa isolation pagdating sa bansa.
Nakaramdam siya ng sintomas 9 na araw mula ng dumating siya sa bansa.
Matapos magpositibo sa RT- pcr test, sumailalim siya sa 7 araw na isolation.
Nakabalik na rin ito sa kanyang bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ng DOH na ang natukoy na BA.2.12 ay patunay lang na nariyan parin ang COVID- 19 kaya hindi dapat maging kampante ang publiko.
Ayon sa DOH, kung magpapabaya ang publiko, pwedeng tumaas ang mga kaso ng virus infection sa bansa lalo na at ang subvariant na ito ay sinasabing highly transmissible.
Pero wala pa naman umanong ebidensya na nagsasabing nagdudulot ito ng mas “severe” na sakit.
Panawagan ng DOH sa publiko, magpabakuna na dahil ito ang pinakamabisang panlaban sa anumang variant ng COVID- 19.
Madelyn Villar – Moratillo