Kyiv inatake ng Russia habang bumibisita ang UN chief
Binomba ng mga puwersa ng Russia ang kabisera ng Ukraine nitong Huwebes, habang bumibisita si UN Secretary-General Antonio Guterres.
Hindi bababa sa tatlo katao ang nasugatan sa pag-atake sa kanlurang bahagi ng siyudad ng Kyiv, na nangyari habang binibisita ni Guterres ang Bucha at iba pang lugar kung saan inaakusahang nagsagawa ng war crimes ang Moscow.
Sinabi ng Ukrainian prosecutors na iniimbestigahan nila ang 10 sundalong Ruso para sa mga pinaghihinalaang kalupitan sa Bucha, kung saan natagpuan ang dose-dosenang mga bangkay na nakasuot ng sibilyan pagkatapos ng pag-atras ng Moscow, at natukoy ang higit sa 8,000 di-umano’y kaso ng war crimes.
Ayon kay prosecutor general Iryna Venediktova . . . “Those cases involve ‘killing civilians, bombing of civilian infrastructure, torture’ and sexual crimes.”
Sa Washington, hinimok ni US President Joe Biden ang mga mambabatas na aprubahan ang isang malaking aid package, at magpanukala ng bagong mga batas upang payagan na magamit ang luxury assets na inalis mula sa Russian oligarchs, para mabayaran ang Ukraine sa pinsalang dulot ng pagsalakay ng Moscow simula noong Pebrero 24.
Ayon kay Biden . . . “The cost of this fight is not cheap. But caving to aggression is going to be more costly if we allow it to happen.”
Pinuri naman ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky ang mungkahi ni Biden sa pagsasabing isa iyong “mahalagang hakbang” at “kinakailangan.”
Sinabi ni Mayor Vitali Klitschko na dalawang bomba ang tumama sa Shevchenkovsky district, na ang isa ay tumama sa ibabang palapag ng isang residential building. Tatlo katao ang isinugod sa pagamutan, subali’t hindi pa malinaw kung gaano kalala ang tinamo nilang mga pinsala.
Sinabi naman ni Saviano Abreu, tagapagsalita para sa humanitarian office ng UN at kasama ni Guterres sa pagbisita sa Kyiv . . . “It is a war zone but it is shocking that it happened close to us, but the delegation was safe.”
Ayon kay Zelensky, ang pambobomba na agad nangyari pagkatapos na pagkatapos niyang makipag-usap kay Guterres, ay isang pagtatangka ng Russia na “ipahiya ang UN at lahat ng kinakatawan ng organisasyon.”
Sinabi naman ng isang tagapagsalita ng militar ng Russia sa mga mamamahayag, na ang hukbo ng Moscow ay nagsagawa ng mga air strike laban sa 38 military targets kung saan sinira nito ang pitong munitions depot, ngunit hindi agad binanggit ang Kyiv o ang mas malawak na rehiyon sa paligid ng kabisera.
Tinawag ni Guterres, na dumating sa Kyiv pagkatapos makipag-usap kay Russian President Vladimir Putin sa Moscow, na “evil” ang digmaan makaraang bumisita sa Bucha at “nag-demand” na makipagtulungan ang Kremlin sa isang pagsisiyasat ng International Criminal Court tungkol sa mga akusasyon.
Sinabi ng prosecutors na ang 10 servicemen na nasa ilalim ng imbestigasyon ay pinaghihinalaan ng “premeditated murder,” malupit na pagtrato at iba pang mga paglabag sa mga batas at kaugalian ng digmaan sa panahon ng kanilang pananakop sa Bucha, hilagang-kanluran ng Kyiv, noong Marso.
Sa isang joint press conference kasama si Zelensky, inamin ni Guterres na ang UN Security Council ay “nabigona gawin ang lahat sa kaniyang kapangyarihan na pigilan at wakasan ang nasabing digmaan.”
Aniya . . . “This is the source of great disappointment, frustration and anger.”