US, tila hindi nagustuhan ang pag-imbita ng Indonesia kay Putin sa G20 summit
Hinarap ng indonesia ang pagtutol ng US at inimbitahan ang Pangulo ng Russia na si Vladimir Putin sa G20 summit na gaganapin sa Nobyembre, gayundin si Ukrainian President Volodymyr Zelensky.
Ang Jakarta, na siyang may hawak sa G20 presidency ngayong taon, ay nakararanas ng matinding “pressure” mula sa kanluran sa pangunguna ng Estados Unidos, na huwag padaluhin ang Russia kasunod ng pag-atake nito sa Ukraine, nguni’t ikinatwiran nito na dapat silang manatiling “walang kinikilingan.”
Sinabi ni Indonesian President Joko Widodo na inimbitahan niya si Zelensky para dumalo sa G20 summit, na nagmumungkahing nagkaroon na ng isang kompromiso kasunod ng pressure ni US President Joe Biden at iba pa na payagang makalahok ang Ukraine para magkaroon ng balanse.
Sa isang livestreamed address, sinabi ng Indonesian leader na kinumpirma ni Putin sa isang tawag sa telepono kay Widodo na dadalo siya sa summit. Ang Russia ay miyembro ng G20, habang ang Ukraine ay hindi.
Sinabi ni Jalina Porter, State Department deputy spokesperson . . . “The United States continues to believe that it can’t be business as usual with regards to Russia’s participation with the international community or international institutions.” Hindi ito nagkomento kung dadalo pa ba ang US.
Nilinaw na ng administrasyon ni Biden ang kaniyang pananaw sa imbitasyon kay Putin nitong Biyernes.
Ayon kay Biden Press Secretary Jen Psaki . . . “The President has expressed publicly his opposition to President Putin attending the G20. We have welcomed the Ukrainians attending. We have conveyed our view that we don’t think (Russia) should be a part of it publicly and privately,” at idinagdag na nauunawaan ng Washington na ang imbitasyon ay ginawa “bago ang pagsalakay.”
Sa isang tweet ay inanunsiyo ni Zelensky, na nitong Miyerkoles ay inimbitahan siya ng Indonesia na dumalo sa summit, kasunod ng isang tawag kay Widodo.
Si Widodo ay nakipagpulong sa pangulo ng Russia noong Huwebes at sinabing pinasalamatan ni Putin ang Indonesia para sa imbitasyon sa G20 summit at sinabing dadalo siya.
Ayon kay Kremlin spokesman Dmitry Peskov . . . “Putin wished Indonesia’s G20 presidency ‘success.’ But for the time being, it is premature to communicate the modalities of Russian participation,” na nag-iwan naman ng pagdududa sa magiging format ng partisipasyon ng Moscow.
Ang kanluran ay nagtangkang i-isolate ang Russia “diplomatically,” nang magsimula ang military offensive nito noong Pebrero.
Ang pulong ng mga ministro ng pananalapi ng G20 noong Abril sa Washington ay naglalarawan ng malalim na pagkakahati sa grupo ng mga pangunahing ekonomiya sa mundo, kung saan ang US at ilang mga kaalyado ay nagboycott sa mga pag-uusap upang i-protesta ang paglahok ng Russia.
Ngunit ang Indonesia, tulad ng karamihan sa mga pangunahing umuusbong na ekonomiya, ay sinubukang mapanatili ang isang neutral na posisyon.
Sinabi ni Widodo nitong Biyernes na ang Indonesia ay hindi magpapadala ng mga armas sa Ukraine bilang tugon sa isang kahilingan mula kay Zelensky, sa halip ay mag-aalok ng humanitarian aid.
Ang digmaan sa Ukraine ay muling naging pangunahing isyu nitong Biyernes, nang makipag-usap si Widodo kay Japanese Prime Minister Fumio Kishida. Ang presidente ng Indonesia ay nanawagan para sa agarang pagwawakas sa labanan at iginiit ang pangangailangan para sa isang “mapayapang solusyon”.