Myanmar, planong bigyan ng Pilipinas ng 5 milyong Sputnik V vaccines
Ikinukonsidera ng Pilipinas na mag-donate sa Myanmar ng limang milyong doses ng Sputnik V COVID vaccine na malapit nang ma-expire.
Ang donasyon ang magiging kauna-unahan ng Pilipinas sa ibang bansa, makaraang makipag-agawan ito sa malaking bahagi ng nakalipas na taon na makakuha ng bakuna para sa 110 milyong populasyon nito.
Sinabi ng health officials, na sa ngayon ay may sapat nang suplay ng bakuna ang Pilipinas.
Sinabi ni health undersecretary Maria Rosario Vergerie, na hihingi ng clearance ang mga awtoridad para mai-donate ang Russian vaccines sa pamamagitan ng Myanmar Red Cross Society.
Ayon sa kanilang health ministry, wala pang kalahati ng 53 milyong populasyon ang nabigyan ng dalawang doses ng COVID vaccine sa Myanmar, na nakararanas ngayon ng kaguluhan mula nang agawin ng militar ang kapangyarihan mula sa gobyerno, 15 buwan na ang nakalilipas.